Sunday, July 02, 2006


Panalo ni Manny Pacquiao, Panalo ng Pilipino

Noong nakaraang Hulyo 2,2006 naganap ang isa sa pinaka-aabangang laban ng mga Pilipino sa larangan ng boxing. Tampok sa laban na iyon ang itinuturing bayani ng bawat Pilipino si Manny "Pacman" Pacquiao, pati na ang iba pang boksingerong Pilipino. Mula 9 ng umaga hanggang 4 ng hapon ang buong Pilipinas ay naka-tutok sa "Mano Mano" Philippines versus Mexico. Hinintay ng lahat ang laban na ito, dahil gusto nilang makita ang tagumpay ni Manny Pacquiao at ng iba pang boksingerong Pilipino. Ang nakalaban ni Manny Pacquiao ay isang magaling na boksingerong Mexicano si Oscar "Chololo" Larios.

Noong una ay madami ang nagduda na makakaya ni Manny Pacquiao, dahil sabi nila ay kulang daw ang ginawa niyang training. Si Oscar Larios kasi ay nakapag-training ng walong linggo habang si Manny Pacquiao ay nakapag-training lamang ng anim na linggo. Hindi daw niya matatalo si Oscar Larios dahil mas desidido daw itong manalo at nakapa-handa ito ng maayos. Maganda daw ang ginawang paghahanda ni Oscar Larios dahil nagpunta pa ito sa bansang Japan upang masanay sa oras at klima ng Asya at upang makipag-sparring sa mga mabibilis na boksingerong Hapon para makasabay siya sa bilis ni Manny Pacquiao. Ngunit sa kabilang dako maganda din naman ang paghahanda ni Manny Pacquiao, sa Amerika pa siya nag-ensayo at natuwa sa kanya ang kanyang coach na si Freddie Roach dahil kahit kulang sa araw ng pag-eensayo ay maganda naman ang ipinapakita nito tuwing nag-eensayo.

Hanggang dumating na nga sa oras ng laban, lahat natuwa sa ipinakita ni Manny Pacquiao maganda din ang kinalabasan ng laban naka-abot ito ng 12 rounds. Higit sa lahat masaya ang buong Pilipinas sa pagkapanalo ni Manny Pacquiao, pinatunayan na naman niyang isang matibay at determinado ang lahing Pilipino, sa pagkapanalo niya siya pa din ang WBC Super Featherweight Champion. Natutuwa ako dahil kahit sa sandaling oras lamang ay nagkaisa ang buong Pilipinas, mahirap man o mayaman naging isa sa pag-suporta kay Manny Pacquiao. Kaya naman kinikilala nating bayani si Manny Pacquiao, dahil sa kanya nagkakaroon tayo ng pagkakaisa na ating kinakailangan upang umasenso ang ating bansa. Pinapakita din niya na kaya nating marating kahit ano man ang gustuhin natin basta't mayroon lamang sipag at tiyaga, tiwala sa sarili, pananalig sa Diyos at determinasyon na lumaban sa mga hamon ng buhay.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home